MANILA, Philippines — Dahil sa kawalan ng sinseridad sa walang tigil na paghahasik ng terorismo, inirekomenda ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at ng liderato ng Armed Forces of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil muli ng usapang pakikipagkapayapaan ng pamahalaan sa Communist Party of the Philippines – National Democratic Front -New People’s Army.
Ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NDF-NPA ay dapat muling nagpatuloy noong Hunyo 28 pero nagdesisyon ang Commander in Chief na ipagpaliban muna ito ng tatlong buwan.
Samantalang nagpatutsada naman si Jose Maria Sison, NDF Chief Political Consultant, na dahilan sinira ng gobyerno na magpatuloy muli ang peace talks ay isagawa na lamang ito sa kaniyang successor.
Binanggit ni Lorenzana na, habang sinusunod ng pamahalaan ang unilateral ceasefire noong 2016 hanggang Enero 2017, isinagawa ng CPP-NDF ang isang malaking kongreso nito noong Nobyembre 2016 at Central Plenum noong Disyembre 2016 na rito ay plinano ng mga ito na patalsikin si Duterte sa puwesto.
Bukod dito, patuloy ang CPP-NPA sa pagpapalakas ng puwersa sa pamamagitan ng pangangalap ng mga bagong kasapi.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Harry Roque, nahihibang si Sison sa pahayag nitong pababagsakin si Duterte.
Sinabi ni Roque hindi magagawa ni Sison ang banta nito dahil wala ito sa bansa at nagtatago sa The Netherlands. (Rudy Andal)