MANILA, Philippines — Dapat kausapin ang mga jueteng lords ni Pangulong Duterte para sila na lang ang magtake-over ng Small Town Lottery (STL) na hindi nagre-remit ng kita sa gobyerno.
Ito ang suhestyon ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, presidente ng Partylist Coalition (PLC), matapos sabihin ni Pangulong Duterte na maaaring lumala ang problema sa droga kapag itinigil ang jueteng.
Giit ni Batocabe, maaari namang pagsabihan ng Pangulo ang mga jueteng lords na tigilan na ang jueteng at palitan na ang mga operator ng STL na hindi nagdadala ng kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Maaari rin umanong pagsabihan ng Pangulo ang mga jueteng lords na kung hindi titigil sa jueteng ay makakalaban sila ng gobyerno.
Iginiit naman ng kongresista na hindi sekreto na may natatanggap na payola mula sa mga jueteng lord ang mga pulis at mga pulitiko kaya nagkakaroon na ng web ng korupsyon at nagiging parte na ng kultura.
Sinabi pa ni Batocabe na kung ang jueteng lord ay magiging STL operator dapat ay maabot nila ang target na kita na itatakda ng gobyerno.
Kung mayroon naman umanong nago-operate ng jueteng dapat isumbong ng STL operator at kung siya rin ang operator nito malamang ay ginagawa niya ito para maiwasan ang pagbabayad ng buwis.