SK treasurers, secretaries dapat may honorarium
MANILA, Philippines — Problema ang sasalubong sa bagong halal na mga Sangguniang Kabataan (SK) chairman na uupo sa puwesto nila ngayong Hulyo. Maaaring mahirapan na naman sila sa paghirang ng mga kalihim at ingat-yaman ng mga SK na hindi naman sinusuwelduhan
Sa ilalim ng RA 10742, inoobliga ang mga SK chairperson na humirang ng mga kalihim at ingat-yaman mula sa mga kagawad at kasapi nila. Mahalaga ang mga tungkulin at responsibilidad ng dalawang puwesto para sa mahusay na pamamahala ng SK ngunit walang itinatalagang suweldo sa mga ito.
Kaugnay nito, inihain ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang Joint House Resolution 23 na naglalayong magtalaga ng kaukulang ‘honorarium’ o bayad sa serbisyo ng mga “SK treasurers and secretaries” sa bansa.
Sa kanyang resolusyon, ipinanukala ni Salceda na ang honorarium ng naturang SK officials ay dapat katumbas ng 60% ng honorarium ng SK chairmen. Ang halaga ay kukunin sa pondo ng barangay na ang 10% ay nakalaan para sa “development purposes”.
Nitong Mayo, inihain din ni Salceda ang House Bill 7719 na naglalayong pagkalooban ng Barangay Official Eligibility (BOE) ang mga halal at hirang na opisyal ng barangay at SK pagkatapos ng kanilang isang terminong panunungkulan. Ang BOE katumbas ng “civil service eligibility” para sa karaniwang puwesto sa pamahalaan, maliban sa mga puwestong nangamgailangan ng mga lisensiyang propesyunal.
- Latest