MANILA, Philippines — Hinamon ni Sen. Bam Aquino ang financial managers ng pamahalaan na personal na bumaba sa mga tao at pakinggan ang kanilang daing sa mataas na presyo ng bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Totoo po yan, numbers don’t lie. Pumunta po kayo sa palengke, hindi po nagsisinungaling ang presyo ng bilihin,” sabi ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng tax reform program ng gobyerno.
“Ang ‘hard fact’ po ay nalulunod ang mga Pilipino sa taas ng presyo ng bilihin,” dagdag ng senador.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos sabihin ni Budget Secretary Ben Diokno na kokontrahin ng “hard facts” ang pahayag ni Pangulong Duterte na bumabagal ang takbo ng ekonomiya dahil sa mataas na presyo ng bilihin.
“Sana mag-usap muna ang Presidente at ang Budget Secretary upang klaruhin ang estado ng ekonomiya. Mas mainam kung bumisita na rin sila sa mga komunidad upang malaman kung ano ang dinadanas ng mga pamilyang nasasagasaan ng kanilang polisiya,” wika niya.