MANILA, Philippines — Binisita kahapon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa Philippine National Police Custodial Center si Senator Leila de Lima.
Ayon kay Sotto, sarili niyang inisyatiba ang pagbisita kay de Lima upang malaman kung ano na ang kalagayan nito.
Ipinaalala pa ni Sotto na kahit noong nakulong din sina Senators Gregorio Honasan, Antonio Trillanes, dating senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Ramon “Bong” Revilla Jr. ay dinalaw niya ang mga ito.
Sinabi pa ni Sotto na bukod sa pagnanais niya na makita ang kalagayan ni de Lima, pinag-usapan din nila ang mga panukalang batas na isinusulong nito at kung papaano ito makakasama sa mga pagdinig.
Nagpasalamat naman si de Lima sa pagdalaw ni Sotto at sa ipinakitang pagmamalasakit ng huli kung papaano nito magagampanan ang kanyang trabaho bilang senador.