MANILA, Philippines – Nalulunod na ang publiko sa mataas na presyo ng bilihin, ayon kay Sen. Paolo “Bam” Aquino ngayong Huwebes.
Hinamon niya ang financial managers ng gobyerno na pakinggan ang hinaing ng mga Pilipino sa mataas na presyo ng bilihin dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Totoo po yan, numbers don’t lie. Pumunta po kayo sa palengke, hindi po nagsisinungaling ang presyo ng bilihin,” ani Aquino na isa sa mga bumoto kontra sa TRAIN law.
Sinabi ito ni Aquino matapos pabulaanan ni Budget Secretary Benjamin Diokno na humihina ang ekonomiya ng bansa.
“You look at the facts, not impressions, not perceptions, but the hard facts and you’ll be convinced that it’s not the case,” ani Diokno sa isang press conference.
Pinunto ng kalihim na isa ang Pilipinas sa may pinkamagandang ekonomiya sa rehiyon nitong first quarter ng 2018 matapos itong umangat ng 6.8 percent, sunod lamang sa 7.4 percent ng Vietnam.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, “doldrums’ ang estado ng ating ekonomiya dahil sa taas ng presyo ng bilihin na siya ring dahilan ng paghina ng piso.
“Sana mag-usap muna ang Presidente at ang Budget Secretary upang klaruhin ang estado ng ekonomiya. Mas mainam kung bumisita na rin sila sa mga komunidad upang malaman kung ano ang dinadanas ng mga pamilyang nasasagasaan ng kanilang polisiya,” pahayag ni Aquino.
Nanawagan din si Aquino sa gobyerno na ipatupad ang mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng TRAIN Law tulad ng unconditional cash transfer program para sa mahihirap na pamilya at Pantawid Pasada para sa jeepney operators at drivers.