MANILA, Philippines — Aminado ang Malacañang na dapat tanggapin na lamang ng publiko ang katotohanan na ayaw ng Simbahang Katoliko at ni Pangulong Duterte ang isa’t isa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, huwag nang makipagplastikan dahil totoo talagang hindi magkasundo sa pananaw ang Simbahan at Pangulong Duterte.
Ayon kay Roque, hindi naman pwedeng patuloy na lamang na maglalabanan o mag-aaway dahil apat na taon pa ang natitirang termino ng Pangulo.
Inihayag ni Roque na basta para kay Pangulong Duterte, nasabi na niya ang kanyang gustong sabihin at walang makakapigil sa kanyang pagpapahayag ng saloobin laban sa doktrina ng Simbahang Katoliko.
Ang maganda ngayon umano ay hanapan ng paraan para magkaroon ng working relationship ang Simbahan at ang administrasyon kung hindi man tuluyang mapaglapit o mapagkasundo.
Iginiit pa ni Roque na kung tutuusin ay walang dapat pag-awayan ang Simbahan at Pangulong Duterte dahil magkatugma ang kanilang posisyon sa ilang kontrobersyal na isyu.
Halimbawa umano rito ang absolute divorce at same-sex marriage na ayaw din ni Pangulong Duterte na tinututulan din ng Simbahan.