Digong may freedom of speech sa komento sa Diyos, Bibliya - Sara
MANILA, Philippines – Pinayuhan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang publiko na huwag pakinggan ang kaniyang amang si Pangulong Rodrigo tungkol sa pambabatikos sa Panginoon at Bibliya.
Sinabi ni Duterte-Carpio sa kaniyang Instagram account na pansinin na lamang ng publiko ang trabaho ni Duterte bilang pinuno ng bansa.
“Please do not listen to him interpret the bible or quoran, he is not a priest, a pastor or an imam. He is the President, listen only when he speaks about his work,” pahayag ni Duterte-Carpio ngayong Miyerkules.
BASAHIN: Risa kay Digong: Huwag ilihis ang atensyon ng publiko
Dagdag ng mayora na kung pupunahin ang kanyang ama ay punahin nila ang kanyang pamamalakad sa bansa imbis ang kanyang mga komento.
Inulan ng batikos si Duterte matapos niyang tawaging bobo ang Panginoon. Ilan sa mga pumuna kay Duterte ay sina Sen. Ping Lacson at Sen. Risa Hontiveros.
Pinayuhan ni Hontiveros ang pangulo na huwag ilihis ang isyu na kinakaharap ng bansa at harapin ang mga ito.
“Kung tunay na may tapang at malasakit si Pangulong Duterte, harapin niya nang tapat ang mga isyu ng mamamayan. Huwag siyang magtago sa mga walang kapaki-pakinabang at nakakainsultong pahayag para ilihis ang atensyon ng publiko at pagtakpan ang kanyang mga pagkukulang at kapalpakan,” wika ni Hontiveros.
Sinabi naman ni Duterte-Carpio na may kalayaan ang kaniyang ama na sabihin ang saloobin.
“Do not waste your negative energy on his interpretation of the bible, that is his opinion. He is protected by the Constitutional right to freedom of speech and expression even if he is President,” pahayag niya.
- Latest