MANILA, Philippines — Ilang senador at kongresista ang naghain kahapon ng resolusyong humihiling na imbestigahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga tambay na nauwi sa pagkamatay ng isa sa mga hinuli ng pulisya.
Sa Senado, isinampa ni Senador Bam Aquino ang Senate Resolution 772 na humihiling ng imbestigasyon sa kampanya laban sa mga tambay at sa pagkamatay ni Genesis “Tisoy” Argoncillo, na nasawi sa kustodiya ng Quezon City Police District apat na araw matapos maaresto sa umano’y alarm and scandal.
“Maraming mga detalye na hindi tumutugma, pero ang malinaw sa akin, hindi dapat namatay si Tisoy,” wika ni Sen. Bam.
“Hindi sya mamamatay kung hindi pinatupad ang isang patakaran na nakatarget ang mahihirap,” dagdag ni Sen. Bam.
Naglabas ng magkakaibang pahayag ang Philippine National Police ukol sa pagkamatay ni Argoncillo. Noong una, sinabi ng PNP na ito’y self-inflicted trauma. Binago nila ito sa suffocation dahil sa masikip na bilangguan.
Matapos lumitaw sa death certificate ni Argoncillo na siya’y namatay sa multiple blunt force trauma sa leeg, ulo at dibdib, sinabi ng QCPD na nasawi si Tisoy matapos bugbugin ng kapwa bilanggo.
“Pumunta lang sa tindahan, inaresto dahil hindi naka-tshirt. Ngayon, nakaburol na. Napakasakit nito para sa pamilya ng biktima at sa ating bansa. Nakakabahala ang paiba-ibang deklarasyon ng pulis sa dahilan ng pagkamatay ni Tisoy,” wika ni Sen. Bam.
Samantala, sa Kamara, isinampa ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan bloc ang House Resolution 1969 na nanawagan na imbestigahan ng mababang kapulungan ang Oplan Tambay ng administrasyong Duterte.
Iginiit ng Makabayan bloc na kailangang manghimasok ang kongreso dahil kaliwa’t-kanan na ang paglabag ng mga otoridad.
Matapos lamang umanong magsalita ni Pangulong Duterte na paghuhulihin ang mga tambay ay naging atat sa pagsunod agad ang mga pulis kaya mahigit 7,000 na ang naaresto.
May resolusyon ang Gabriela kung saan partikular nilang pinaiimbestigahan sa Kamara ang kaso ng pagkamatay ni Argoncillo sa loob ng detention cell ng QCPD station 4.
Si Argoncillo ay hinuli ng mga pulis dahil natiyempuhan ito sa labas ng bahay habang bumibili ng load.