MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na pagkatapos na ng State of the Nation Address (SONA) makakadalaw sa Kuwait si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Go na patuloy pa ang pag-uusap ng mga kinatawan ng Kuwait at ng Department of Foreign Affairs (DFA) para maplantsa ang petsang available ang Emir at ni Pangulong Duterte.
Ayon kay SAP Go, wala pang eksaktong petsa ang pagdalaw ni Pangulong Duterte doon pero posible itong maisakatuparan sa Setyembre.
Inihayag ni Sec. Go na nais ni Pangulong Duterte na personal na makita ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait kasunod ng mga reklamong pang-aabuso at ang pagpatay kay Joanna Demafelis na itinago pa ng mag-asawang suspek ang bangkay sa loob ng freezer.