Bam pinaiimbestigahan ang pagkamatay ni Tisoy, kampanya vs tambay
MANILA Philippines – Nagsampa ng resolusyon si Sen Paolo “Bam” Aquino ilang araw makapilas ang pagkamatay ni Genesis “Tisoy” Argoncillo.
Sinampa ni Aquino ang Resolution 772 noong nakaraang Lunes, ika-18 ng Hunyo, upang udyukin ang Committee of Public Order and Dangerous Drugs na siyasatin ang pagkamatay ni Argoncillo at ang kampanya laban sa mga tambay.
Inilarawan niya ang kampanya bilang hindi kanais-nais, maselan, at hindi makatarungan para sa mahihirap.
Ayon kay Aquino, si Argoncillo ay hindi mamamatay kung hindi pinatupad ang isang polisiya na nakatarget ang mahihirap.
Kinuwestyon ng senador ang mga detalye sa pagkamatay ni Argoncillo na namatay apat na araw matapos hulihin.
Naglabas ng magkakaibang pahayag ang Philippine National Police (PNP) ukol sa mga sanhi ng pagkamatay ni Argoncillo.
Unang sinabi ng PNP na nagpakamatay si Argoncillo na kanila namang pinalitan ng hirap sa paghinga dahil sa kasikipan ng kulungan.
Ngunit matapos mailabas ang sertipiko ng pagkamatay ni Argoncillo, pinahayag ng Quezon City Police District na bugbog mula sa kanyang mga kaselda ang ikinamatay ni Tisoy.
“Maraming mga detalye na hindi tumutugma, pero ang malinaw sa akin, hindi dapat namatay si Tisoy. Pumunta lang sa tindahan, inaresto dahil hindi naka-tshirt. Ngayon, nakaburol na,” sabi ng senador.
“Napakasakit nito para sa pamilya ng biktima at sa ating bansa. Nakakabahala ang paiba-ibang deklarasyon ng pulis sa dahilan ng pagkamatay ni Tisoy,” dagdag niya.
May iba pang patunay na naka-target ang kampanya sa mahihirap. Isa na rito ay ang mga taong hinuli sa harap ng bahay ng kanilang kaibigan sa Makati.
Noong ika-17 ng Hunyo, nahuli ng CCTV camera ang mapusok na paglapit ng mga rumorondang pulis sa isang taong nagngangalang Ariel Morco.
Ayon sa biktima, hindi raw siya arestado ngunit pinaglinis ng banyo sa opisina ng pulis.
Ayon sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, mahigpit niyang ipinagbabawal ang pagtambay sa kalsada sapagkat ito raw ay maaring maging sanhi ng krimen.
- Latest