MANILA, Philippines — Tatanggalin sa puwesto ng liderato ng Kamara ang mga kongresista na mapapatunayang sangkot sa ipinagbabawal na droga.
Ito ang babala ni House Committeee on Dangerous Drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa sandaling maberipika na ang mga kongresistang nasa “narco list”.
Paliwanag ni Barbers, sa ilalim ng rules ng Kamara, basta mayroong basehan ang ahensiya na nagba-validate ng kanilang involvement sa droga at mayroong mai-file na kaso o criminal case laban sa miyembro ng mababang kapulungan ay maaaring kumilos ang liderato para tanggalin sila.
Iginiit naman ng kongresista, na maaring dumaan din sa isang pagdinig sa ethics committee ang reklamo laban sa isang miyembro ng Kamara.
Subalit maaari rin naman umanong walang committee hearing kung ang kinasasangkutang krimen ay capital offense o capital crime.
Sa mga ganitong usapin umano ay magdedesisyon agad ang kongreso para tanggalin ang isang kongresista na may ganitong klaseng involvement na kinasasangkutan.
Nilinaw naman ni Barbers na ang listahan ng narco politicians ay nasa kamay ni Pangulong Duterte at intelligence community at may kautusan ang Pangulo na i-validate itong mabuti at hanapan ng matibay na ebidensiya na maaaring ikapanalo sa korte.