Nicotine ‘di raw nakamamatay

Ang pagkakasakit at pagkamatay dulot ng paninigarilyo ay bunsod ng nasunog na tuyong dahon ng tabako na nagpo-produce ng mga nakalalasong gas, gaya ng carbon monoxide, formaldehyde, at cyanide na nalalanghap ng mga naninigarilyo.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Bagamat ang paninigarilyo ay nagdudulot ng sakit sa puso, stroke, lung cancer at iba pa, hindi naman ito sanhi ng nicotine.

Ang pagkakasakit at pagkamatay dulot ng paninigarilyo ay bunsod ng nasunog na tuyong dahon ng tabako na nagpo-produce ng mga nakalalasong gas, gaya ng carbon monoxide, formaldehyde, at cyanide na nalalanghap ng mga naninigarilyo.

Ito ang mahalagang mensahe ng dalawang Australian doctors na nagsusulong na maiwasan ang panganib dulot ng tabako, sa mga Filipino reporters sa sidelines ng ika-limang Global Forum on Nicotine na idinaos sa Warsaw, Poland noong nakaraang linggo.

Ayon kay Dr. Colin Mendelsohn, Associate Professor sa University of New South Wales, ang nicotine ay dahilan ng addiction sa paninigarilyo subalit hindi naman ito mapanganib.

Nabatid na ang E-cigarettes ay nagbibigay ng parehong hand-to-mouth behavior at nicotine na gusto ng mga smokers. Lumilitaw na ang vaping ay hindi sintapang ng sigarilyo.

Sinabi naman ni Dr. Joe Kosterich, Adjunct Professor sa University of Western Australia na ang sunog na tabako sa sigarilyo ang nagbibigay ng mapanganib na kemikal.

Nagbabala si Kosterich na maraming smoker ang maiiwas sa kamatayan kung igigiit ng mga awtoridad ang absolute proof sa safety ng e-cigarettes.

Ipinaliwanag pa ni Mendelsohn na bilang mga doktor na direktang nakikipag-ugnayan sa mga pasyente, nakikita nila mismo kung paano paulit-ulit na nabibigo ang mga tao sa mga aprubadong treatments upang matigil sila sa paninigarilyo subalit nagtagumpay na mahinto ang kanilang pagyoyosi sa pamamagitan ng e-cigarettes.

Show comments