MANILA, Philippines — Naniniwala ang Malacañang na maaari pang muling kasuhan ng malversation ng Ombudsman sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Budget Sec. Butch Abad kaugnay ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Imbes na graft o malversation, tanging usurpation of legislative power lamang ang inirekomendang kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kina Aquino at Abad.
Ang usurpation of legislative powers ay may kaparusahan lamang na pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at posibleng mabigyan pa ang akusado ng probation at hindi na rin makulong.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi naman maituturing na “double jeopardy” sakaling sampahan ito ng isa pang kaso gaya ng malversation na di hamak na mas mabigat ang parusa kaysa usurpation of legislative powers.
Sabi pa ni Roque, hintayin na lamang ang bagong Ombudsman dahil nakatakda na ring magretiro si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Hulyo 26.
“Kasi pupuwede namang magkaroon ng dalawang kaso - isang usurpation, isang malversation. Wala pong inconsistency ang dalawang iyan. Wala naman pong double jeopardy iyon, antayin natin iyong Ombudsman na itatalaga ni Presidente Rodrigo Roa-Duterte,” dagdag pa ni Roque.