MANILA, Philippines — Nagkakaroon ng patuloy na pagbaba sa produksiyon ng bigas sa bansa dahil sa patuloy ding pagbabawas ng mga lupang sakahan sa bansa na taniman ng palay at ng iba’t iba pang produktong agrikultural.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), may 48 porsiyento ng bilang ng mga lupang sakahan ang nawala na sa loob ng 32 taon dulot ng patuloy na pag-usbong ng mga real estate developers na nagtatayo ng mga pabahay sa bansa.
Sinasabing karamihan sa mga farm owners ay napipilitang ibenta sa mga developers ang kanilang sinasakang lupain dahil sa hirap ng buhay. Ayaw na umano ng mga magsasaka na magsaka ang mga anak at dulot na rin ng mataas na presyo ng bentahan dito.
Sa datos ng PSA, mula 3.65 milyong ektarya ng lupang sakahan sa bansa noong 1980, umaabot na lamang sa 1.90 milyong ektarya ang lupang sakahan noong 2012. Ito ay katumbas umano ng 1.7 milyong ektarya ng lupang sakahan na nawala sa bansa.
Sa isang ektaryang sakahan, may 40 sako ng bigas ang maaaring anihin at kung susumahin sa nawalang ektarya ng lupang sakahan, milyun-milyong sako ng bigas ang nawawala sa ating bansa.
Sinasabing ang bagay na ito ang ugat kung bakit ang Pilipinas ay patuloy na nag-iimport ng bigas sa abroad upang mapunan ang kakulangan sa butil.