MANILA, Philippines — Umaabot sa P1.6 bilyong halaga ng mga bagong kagamitan ang tinanggap ng Philippine National Police (PNP) mula kay Pangulong Duterte bilang bahagi ng kanilang modernization program.
Iprinisinta kahapon ni PNP Chief P/Director Gen. Oscar Albayalde ang mga bagong biling kagamitan na kinabibilangan ng 387 units ng patrol jeep, 235 units ng leisure travel vans, 41 units ng van at 138 units na rubber boat.
Kasama sa 313 units ang basic assault rifle, 320 units ng 5.56mm light machine guns at 231 units ng 7.62mm light machine guns.
Gayundin nasa 160 units ng base radio, 6,440 units ng undershirt vest, 3,666 units ng 5.56mm ng NATO magazine at 48 units ng explosive detection dog.
Ipamamahagi ang mga ito sa iba’t ibang regional, city at municipal police stations sa buong bansa.
Kinumpirma naman ni Albayalde na ang mga bagong biling basic assault rifles ay ibibigay sa Marawi City police at sa mga miyembro ng mga special forces battalion na nakabase sa Lanao del Sur.
Habang ang mga machine guns ay mapupunta naman sa mga regional mobile force, Maritime group at Special Action Force.
Inaasahan din ng PNP ang dagdag pang dalawang helicopter sa katatapos lamang na bidding.
“The Philippine National Police is deeply grateful to our President Rodrigo Roa Duterte, who always there to support us leading to the unprecedented improvement and capability enhancement of the police force. This is also a vital move for the organization to accomplish our mission and functions,” sabi ni Albayalde.