MANILA, Philippines — Tiniyak ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na hindi kaaway ng Simbahang Katolika si Pangulong Duterte.
Sa ginanap na Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) General Membership Meeting sa Makati City, sinabi ni Sec. Go na sa katunayan ay labis ang pagkabahala ni Pangulong Duterte sa magkakasunod na pagpatay sa tatlong pari kamakailan.
Ayon kay SAP Go, handa si Pangulong Duterte na magbigay ng security sa mga pari sa pamamagitan ng PNP kung kinakailangan.
Tatlong pari ang napaslang kamakailan na sina Fr. Richmond Nilo sa Nueva Ecija, Fr. Marcelino Paez ng Jaen, Nueva Ecija at Fr. Mark Ventura na napatay sa Gattaran, Cagayan Valley. Sugatan naman si Fr. Rey Urmenta ng barilin ng hindi nakilalang suspek sa Calamba, Laguna.
Ipinaliwanag ni Go na kaya kritikal minsan si Pangulong Duterte sa mga pari ay dahil ayaw niyang pinapangunahan o pinapakialaman siya ng mga alagad ng Simbahan sa kanyang trabaho bilang Pangulo ng bansa.
Dapat gawin na lamang ng mga pari ang kanilang tungkulin habang siya naman ay magtatrabaho alinsunod sa kanyang mandato.
Kinumpirma ni Go na marami ring kaibigan na pari ang Pangulo partikular sa Davao taliwas sa alegasyon ng ilang kritiko na kaaway nito ang simbahan.
Binigyang diin ni Go na hindi man palasimba si Pangulong Duterte, ipinapakita naman niya ang pagsamba niya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisilbi sa tao dahil sa paniniwalang kapag pinagsilbihan ang kapwa ay nagsilbi na rin siya sa Diyos.