MANILA, Philippines — Nadagdag ang pangalan ni dating SC Chief Justice Artemio Panganiban sa mahabang listahan ng kumukuwestiyon sa desisyon ng Presidential Electoral Tribunal na gamitin ang 50-percent threshold sa election protest ni Ferdinand Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.
Binigyang diin ni Panganiban na malaking panganib ang hatid ng nasabing desisyon ng PET dahil maraming boto ang mawawala kung itutuloy ang pagpapatupad nito.
Magugunitang 25 percent ang threshold na ginamit ng vote-counting machines noong nakaraaang halalan.
Ngunit sinabi ni Panganiban na hindi mabibilang ang mga boto sa pagitan ng 25 hanggang 50 percent threshold sa manu-manong pagbibilang ng balota.
Dahil dito, sinabi ni Panganiban na malaki ang magiging pagbabago ng manual recount sa naitalang resulta noong nakaraang halalan.
Ipinaliwanag ni Panganiban na kahit limang porsiyento lang ang mawala sa mga botong nakuha ni VP Leni mula sa pilot provinces na Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental, magkakaroon na si Marcos ng tinatawag na “substantial recovery” para ituloy ang pagbibilang ng 22 iba pang lalawigan na isinama ng natalong kandidato sa protesta.
Ibig sabihin nito, nawalan ng malaking boto si Leni hindi dahil sa pandaraya kundi sa hindi makatwirang panuntunan na inaprubahan ng PET.