MANILA, Philippines — Patay ang limang Maute-Islamic State of Iraq and Syria (Maute-ISIS), isa rito ay beneberipika pa kung ito ang lider ng grupo matapos ang inilunsad na air at ground strike operations sa pinagkukutaan ng teroristang grupo sa kabundukan ng Tubaran, Lanao del Sur umpisa nitong Linggo at nagpapatuloy hanggang kahapon.
Ayon kay Col. Romeo Brawner Jr., Deputy Commander at spokesman ng Joint Task Force (JTF) Ranao, bineberipika pa ang ulat kung kabilang sa limang nasawi ang lider na si Owayda Benito Marohombsar alyas Abu Dar.
“There are reports indicating that five members of the Maute-ISIS group led by Owayda Benito Marohombsar alias Abu Dar have been killed. The military is still verifying these reports,” pahayag ni Brawner.
Si Abu Dar ang pumalit sa pamumuno sa Maute-ISIS matapos mapatay sa assault operation sa Marawi City siege noong Oktubre 2017 si Commander Isnilon Hapilon, ang itinalagang Emir ng ISIS sa Southeast Asia.
Sa tala ng AFP JTF Ranos, si Abu Dar tubong Pagayawan, Lanao del Sur ay kabilang sa mga nagplano ng Marawi siege kasama ang mga napatay sa assault operations ng militar na sina Hapilon at magkapatid na Omar at Abdullah Maute noong Oktubre 16, 2017 pero nakatakas si Dar na namuno sa nalalabi pang Maute-ISIS.
Bandang alas-9 ng umaga kamakalawa ng magsimulang maglunsad ng air at ground strike operations ang tropa ng mga sundalo laban sa nalalabi pang Maute-ISIS at mga bagong recruits ng mga ito na aabot sa 40 terorista ang bilang. Ang AFP ay gumamit ng artillery sa pambobomba sa pinagkukutaan ng teroristang grupo.
Ang insidente ay nagbunsod naman sa paglikas ng nasa 724 pamilya na pansamantalang kinukupkop sa Tubaran at kalapit na bayan ng Pagayawan.
Samantala ang nasabing air strike operations ay sinundan ng bakbakan sa pagitan ng Maute-ISIS terrorists at ng ground troops ng militar na tumutugis sa mga kalaban.
“We are asking the public to stay calm. The 103rd Infantry Brigade is making sure that the hostilities will not extend beyond the mountainous areas of Tubaran and Pagayawan of Lanao del Sur,” sabi pa ng opisyal.
Magugunita na ang Marawi City siege ay nagsimula noong Mayo 23, 2017 na tumagal ng limang buwan bago napalaya sa mga terorista ang lungsod.