Pagtambay hindi na krimen

Ayon kay Pangilinan, dapat malaman ng mga tagapagpatupad ng batas na na-decrimina­lized na ang “vagrancy.”
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Ipinaalala kahapon ni Se­nator Francis “Kiko” Pangilinan na hindi na krimen ang pagtambay o loitering dahil matagal ng nilusaw ang batas tungkol dito.

Ayon kay Pangilinan, dapat malaman ng mga tagapagpatupad ng batas na na-decrimina­lized na ang “vagrancy.”

“Republic Act 10158 has decriminalized vagrancy, amending Article 202 of the Revised Penal Code,” sabi ni Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, dapat maglingkod ng naayon sa batas ang mga pulis at sundalo at lahat ng mga uniformed personnel at hindi dapat mang­huli ng mga mamamayan na walang ginagawang krimen.

“Doble na sweldo ng mga pulis, sundalo, at lahat ng uni­formed personnel ng pamahalaan. Gampanan niyo naman ang inyong tungkulin sa taumbayang pinagmumulan ng inyong kabuhayan at kapangyarihan. Maglingkod nang maayos at nang ayon sa batas,” sabi ni Pangilinan.

Idinagdag pa ni Pangilinan na dapat ang mga tagapagpatupad ng batas ang unang sumunod sa batas at huwag magpasimuno sa paglabag.

“Kayo ang tagapagpatupad ng batas, alamin ito at ipatupad nang tama. Kayo ang dapat manguna sa pagsunod ng batas at hindi pasimuno sa pag­labag dito. Sumunod sa batas at hindi sa utos na lumabag dito,” sabi ni Pangilinan.

Show comments