Higit 1,500 tambay sa MM dinampot

Higit 1,500 tambay ang hinuli sa magdamagang operasyon ng PNP sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Joven Cagande

MANILA, Philippines — Higit 1,500 mga istambay at iba pang pasaway na lumalabag sa sari-saring ordinansa ang pinagdadampot ng pulisya sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila mula nitong Sabado ng gabi hanggang Linggo ng madaling araw.

Sa ulat na ipinadala ng mga Public Information Officers ng limang Police Districts sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), nasa kabuuang 1,525 katao ang dinala sa mga istasyon ng pulisya dahil sa paggala-gala sa kalsada, pag-iinuman, at iba pang paglabag sa mga lokal na ordinansa.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), kabuuang 435 ang kanilang dinampot mula alas-7 ng Sabado ng umaga hanggang alas-7 ng umaga ng Linggo. Nasa 264 dito ay sa lungsod ng Pasig, 15 sa San Juan City, 83 sa Marikina City at 76 sa Mandaluyong City.

Sa ulat naman ni Northern Police District Director, P/Chief Supt. Gregorio Lim, 136 ang dinampot sa magdamag sa Caloocan habang sa ulat ng Manila Police District, nasa 121 ang hinuli sa Tondo at Sta. Cruz, Maynila.

Nasa 344 naman na istam­bay ang pinagda­dampot ng Quezon City Police District sa naturang lungsod habang 454 sa mga lungsod na sakop ng Southern Police District (SPD).

Kabilang sa mga ordinansa na ipinatupad upang dakpin ang mga istambay ay ang paglabag sa ‘anti-smoking’, pag-ihi sa pampublikong lugar, ‘half-naked’, inuman sa pampublikong lugar, at curfew lalo na sa mga bata na nasa ‘computer shops’ pa paglagpas ng alas-10 ng gabi.

Sinabi ni NPD Director Lim na ang pinaigting na kampanya laban sa mga istambay ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Duterte upang linisin ang mga kalsada sa mga ‘tambay’ na potensyal na mga ‘criminal offenders’.

Show comments