MANILA, Philippines — Lihim na umanong nagdadala ng armas ang ilang mga pari sa Laguna bilang proteksyon sa kanilang mga sarili.
Ito ang ibinunyag ni Calamba Parishioner Atty. Francisco dela Rosa, matapos ang sunud-sunod na kaso ng pagpatay sa mga tao ng simbahan ng mga ‘di nakilalang gunmen.
Ayon kay dela Rosa, matinding takot ang idinulot sa kanila ng serye ng pamamaslang sa kanilang hanay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pahayag ng Calamba Parishioner, labis din nilang ikinakabahala ang pahayag ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde na isolated incident lamang ang mga kaso ng pagpatay sa mga pari na dapat umanong masusing maimbestigahan.
Base sa ulat, apat na pari na ang nasawi simula December 2017 hanggang sa kasalukuyang buwan na kinabibilangan nina Fr. Richmond Nilo ng Zaragoza, Nueva Ecija, Fr. Mark Ventura ng Cagayan province, Fr. Marcelito Paez ng Jaen, Nueva Ecija at kamakailan lamang ay si Fr. Rey Urmeneta, na isang dating Police Chaplain ng Calamba, Laguna.