MANILA, Philippines — Nag-viral kahapon ang post sa Facebook ng isang Rodel Rodis, kolumnista na naka-base sa Amerika matapos niyang ilathala sa kanyang FB account ang sulat ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na humihiling sa website ng isang pahayagan na tanggalin ang mga artikulong nag-uugnay sa kanya sa kasong rape at pagkamatay ni Pepsi Paloma noong dekada 80.
Sa post ni Rodis, sinabi nito na siya ang nagsulat ng mga artikulong ipinatatanggal ni Sotto.
Sa sulat ni Sotto na may petsang May 29, 2018, ipinaalala nito na tanggalin ang mga nasabing artikulo sa kanilang website dahil may malisyoso umano siyang iniuugnay sa krimen.
“I am writing in relation to my earlier request to remove from your news website all the published articles implicating me in the alleged rape of Pepsi Paloma…I believe there were malicious imputation of a crime against me,” sabi ni Sotto sa sulat.
Sinabi pa ni Sotto na nasabing mga “unverified articles” ay negatibong nakakasira sa kanyang reputasyon sa mahabang panahon.
Nilinaw din ni Sotto na hindi naman niya ito inuutusan sa halip ay umaapela lamang siya.
“Please note that I am making this appeal without the intention of trampling on your freedom of speech or of the press,” sabi ni Sotto.
Sinabi naman ni Rodis na kung papayagan ang nasabing request ay magiging masama itong precedent.
Kahapon ng alas-sais ay nasa 12,000 na ang share matapos ang 13 oras nang ito ay i-post sa FB.