MANILA, Philippines — Mariing tinututulan ng grupong Magnificent 7 sa Kamara ang mungkahi ni Senate President Tito Sotto na bumuo na lamang ng “hybrid constitutional body” para sa isinusulong na Federalismo.
Ginawa ni Sotto ang mungkahi para matapos na umano ang deadlock sa magkaibang paraan ng botohan na nais ng Kamara at Senado para sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Paliwanag naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice, na walang constitutional basis ang panukala ni Sotto dahil kahit umano ang “wanbol university” ay hindi itinuro na maaaring amyendahan ang Konstitusyon sa isang “hybrid constitutional body”.
Para naman kay Magdalo partylist Rep. Gary Alejano na dalawang paraan lamang ang pag-amyenda ng Constitution, ito ay sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss) o Constitutional Convention (ConCon).
Ayon naman kay Akbayan Rep. Tom Villarin na malinaw ang resulta ng nakaraang survey na 2/3 ng mga Filipino ay ayaw sa charter change kaya walang dapat ipagmadali rito kaya parang lumalabas lamang na desperado ang mga nagsusulong ng Chacha.