Independence speech nabulabog, 1 inaresto
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Duterte na handa nitong gawin ang higit pa sa inaasahan sa kanya para lang makamit ang kapayapaan sa buong bansa.
Sa kanyang mensahe sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, sinabi ng Pangulo na pursigido ito sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA kaya nais niyang bigyan muli ng pagkakataon ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines.
“I will give each other 60 days to agree. It’s a small window actually…If it succeeds then my only problem will be in Mindanao,” paliwanag pa ni Duterte.
Muli ring tiniyak ng Pangulo na sakaling mabigo man ang inaayos na muling pagbabalik ng peace talks sa CPP-NPA, handa nitong ihatid si Sison sa airport para walang gagalaw sa kanya.
“If the talks would not succeed with the Communist Party of the Philippines, I will keep my word of honor, ihatid ko si [Jose] Maria Sison sa airport. As to his coming back, that’s out of the question kasi may kaso eh,” dagdag pa ng Pangulo.
Umaasa rin ang Pangulo na maipagtatanggol ng sambayanang Pilipino sa mga taon pang darating ang demokrasyang tinatamasa ng bansa dahil sa pagsasakripisyo ng ating mga ninuno.
Ayon pa sa Pangulo, nakamit ang kalayaan sa pamamagitan ng maalab na pagmamahal sa bayan ng ating mga ninuno at nilabanan ang pananakop ng mga dayuhan.
Dahil umano dito ay napatunayan ng mga Pilipino sa buong mundo ang ating pagkakaisa bilang unang Republika sa Asya.
Habang nagsasalita ang Pangulo sa balkonahe ng Aguinaldo Shrine ay nagsagawa naman ng lightning rally ang ilang miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog kung saan ay isinigaw ng mga ito ang “Hunyo dose, fake na kalayaan, Duterte traydor”.
Hinayaan lamang ng Pangulo ang mga protesta dahil bahagi raw ito ng freedom of expression at inatasan ang mga awtoridad ng maximum tolerance.
Gayunman, isang ralista ang inaresto matapos na manggulo habang nakatakas ang siyam pa niyang kasamahan.
Kasong Disturbance of Peace ang kakaharapin ng suspek.