CBCP kontra sa pag-aarmas ng pari
MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles na bigyan ng armas ang mga pari para sa kanilang kaligtasan.
Iginiit ni Archbishop Valles na bilang mga pari ay bahagi ng kanilang ministry na maharap sa panganib maging kamatayan.
Inihayag ng Arsobispo na katungkulan nilang harapin ang anumang panganib upang tuparin ang misyon kay Kristo.
Tutol din si Military Ordinariate Administrator Bishop Oscar Jaime Florencio na armasan ang mga pari.
Nilinaw ni Bishop Florencio na ang pag-aarmas ng mga pari ay lalo lamang magdudulot ng kaguluhan. Hindi rin nito mareresolba ang problema.
Si Rev. Fr. Richmond Nilo, 44, ng Diocese ng Cabanatuan ay nabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa altar ng Nuestra Señora dela Nieve sa Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija noong Linggo ng Hunyo 10.
Bukod kay Father Nilo, December 4 nang binaril at napatay si Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija. Binaril din at napatay si Fr. Mark Ventura sa Gattaran, Cagayan noong April 29.
Ligtas at nagpapagaling na si Fr. Rey Urmentera ng Diocese of San Pablo na binaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin noong Hunyo 6.
- Latest