MANILA, Philippines — Hindi man lamang iginalang ng dalawang armadong salarin ang kasagraduhan ng simbahan makaraang pagbabarilin ng malapitan ang isang pari sa likuran ng altar bago ito mag-misa sa isang simbahan sa Zaragosa, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Fr. Richmond Nilo, 40 anyos, nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan na siya nitong agarang ikinamatay.
Sa report, sinabi ni Police Regional Office 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus na nangyari ang pamamaslang sa biktima sa likuran ng altar ng kapilya ng simbahang Katoliko sa Brgy. Mayamot, Zaragosa bandang alas-6:05 ng gabi.
Nagbibihis si Fr. Nilo sa likuran ng altar para magdaos ng misa nang biglang sumulpot ang dalawang salarin na lulan ng motorsiklo at tuluy-tuloy na sumilip sa bintana ng simbahan bago pinaputukan ang biktima.
Kaugnay nito, sa Camp Crame, inutos na ni Philippine National Police Chief P/Director General Oscar Albayalde ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) upang imbestigahan at resolbahin ang pamamaslang kay Fr. Nilo.
Kasabay nito, ipinamomonitor rin ni Albayalde sa mga hepe ng pulisya sa buong bansa ang mga paring may death threat upang mabigyan ang mga ito ng proteksyon at nanawagan din sa kaparian sa bansa na makipagkoordinasyon sa PNP para sa kanilang kaligtasan.
Sa tala, si Nilo ang ikatlong pari na pinaslang sa loob ng anim na buwan ng motorcycle riding in tandem na mga armadong salarin. Magugunita na si Fr. Marcelino Paez, kura paroko sa Jaen, Nueva Ecija ay pinagbabaril at napatay noong Disyembre 4 ng nakalipas na taon. Samantalang si Fr. Mark Ventura ay napatay naman matapos na magdaos ng misa sa Gattaran, Cagayan noong Abril 29 ng taong ito. Ang isa pa na si Fr. Rey Urmeneta ng St. Michael de Archangel Parish ay sugatan naman sa ambush sa Calamba City, Laguna noong nakalipas na linggo.
Samantala, ipinahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na mariing kinokondena ng Palasyo ang pagpatay sa nasabing pari.
Siniguro naman ni Roque na, bilang presidential adviser on human rights, siya na mismo ang tututok sa kaso ni Fr. Nilo at makikipag-usap siya kay Albayalde upang matutukan din ng pulisya ang kaso at mabilis na maresolba. (May ulat ni Rudy Andal)