MANILA, Philippines – Kinumpirma ni presidential spokesperson Harry Roque ang mga ulat na ginigipit ng Chinese coast guard ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippines Sea ngunit sinabi nito na ang pagkuha ng mga isda ay hindi polisiya ng China.
"Totoo po na nagkaroon ng insidente kung saan kinuhanan ang mga mangingisda sa Scarborough pero ayon sa kanila merong binibigay na kapalit," sinabi ni Roque sa isang press briefing.
Sinabi ni Roque na pinalitan ng mga Chinese ang mga kinuha nitong isda ng noodles at sigarilyo.
Matapos makumpirma ang ulat na naunang lumabas sa GMA News noong nakaraang linggo, sinabi ni Roque na nakikipagugnayan na si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kay Chinese Amabassador Zhao Jianhua tungkol sa isyu.
Sinabi rin ng tagapagsalita na nakausap niya na ang Chinese envoy tungkol sa nangyaring panggigipit kung saan sinabi ni Zhao na tinitingnan na ng Beijing ang insidente.
"In-assure naman po ako ng ambassador na hindi po ito polisiya ng Tsina, na nag-iimbestiga ang Beijing at kung mapatunayan ang sinabi ng mga mangingisda ay mayroong kaparusahan na ipapatol dito sa mga Chinese coast guard na ito," ani Roque.
Ang mga Pilipinong mangingisda ay pinayagang muli pumunta sa Scarborough Shoal noong 2017 matapos ang bagong polisiya ng Duterte administration sa China, hirit ni Roque.
Nagkasundo sina President Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na payagan muli ang mga mangingisda na pumalaot sa Scarborough Shoal.
Ngunit ang pagkuha ng mga huling isda ng mga Pilipino ay hindi kasama sa kasunduan, dagdag ni Roque.
"Ito ang dahilan kung bakit nagrereklamo sila ngayon sa gobyerno at humihingi ng tulong para maitigil na itong mga pangyayaring ito at gumawa na po ng hakbang ang gobyerno," ani niya.
Ginarantiya nman ni Cayetano ang publiko na ginagawa ng gobyerno ang tamang diplomatic action sa nasabing insidente.
“You should look at the results, not the steps. Why do you do protest? Why do you do diplomatic action? Because you want a result. This administration is focusing on the results,” ani Cayetano.
Ang hidwaan ng Pilipinas at China sa West Philippines Sea ay sumiklab noong 2012 nang nahuli ng Philippine Navy ang Chinese fishing boats sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Related video: