MANILA, Philippines — Kasabay nang pagdiriwang ng World Oceans Day, umapela si Sen. Koko Pimentel na iwasan na ang paggamit ng plastic na inaasahang mas magiging marami pa sa mga isda sa karagatan pagsapit ng 2050.
Ayon kay Pimentel, dapat ng mag-isip ang mga Filipino at ikonsidera ang hindi paggamit ng plastic bilang tulong sa kalikasan.
Sa report ng Ocean Conservancy noong 2015, mahigit sa kalahati ng 8 milyong metric tons ng plastic sa karagatan taun-taon ay mula sa bansa na kinabibilangan ng China, Indonesia, Philippines, Thailand, at Vietnam.
Sa paglakas ng ekonomiya at produksiyon, mas tumataas din ang plastic waste.
Maituturing aniyang isang malaking “disaster” sa lahat kung tuluyang mawawala ang fishing industry at livelihood dahil lamang sa mga plastic.
Inirekomenda ni Pimentel na iwasan na ang mga “single-use plastic bags” at maging mandatory ang paggamit ng mga biodegradable na plastic.
Balak ni Pimentel na isulong ang panukalang batas na maglilimita sa paggamit ng plastic sa industriya at iba’t ibang uri ng kalakal.