Trabaho, mas marami ngayon
MANILA, Philippines — Pinuri kahapon ni Sen. Joel Villanueva ang pagdami ng bilang ng may trabaho sa bansa batay sa resulta ng survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Lumitaw sa survey ng PSA na bumaba sa 5.5 percent ang unemployment rate nitong Abril kumpara sa 5.7 percent noong Abril 2017.
“Welcome ang magandang outlook ng employment sa bansa matapos bumaba sa 5.5 percent ngayong Abril 2018 ang unemployment rate kumpara sa 5.7 percent noong Abril ng nakaraang taon,” paliwanag ni Sen. Villanueva, pinuno ng Senate committee on labor, employment, and human resources development.
Aniya, ang kawalan ng oportunidad na makahanap ng trabaho sa bansa ang nagtutulak sa malaking bilang ng OFWs upang maghanap ng trabaho sa 190 na bansa sa mundo pero kung mas maraming investors ang magnenegosyo sa bansa at mayroon tayong sapat na skilled workers ay hindi na aalis ang mga ito para magtrabaho sa abroad.
Hiniling ni Villanueva sa TESDA, CHED, at economic managers ng Duterte administration na gawing prayoridad ang skills upgrading at paglikha ng mga de kalidad na trabaho sa bansa upang hindi na maghanap ng trabaho sa abroad ang mga Pinoy workers.
Mula 2.2 milyon noong 2016 ay umabot na sa 2.3 milyon ang bilang ng OFWs noong 2017.
- Latest