FDA nagbabala sa imported luncheon meat

Bunsod ito ng pagbawi o recall sa merkado ng ilang batch ng Spam Classic at Hormel Food Black label luncheon loaf na produkto ng United States-based company na Hormel Food Corporation.

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Food and Drugs Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili ng mga imported canned meat products.

Bunsod ito ng pagbawi o recall sa merkado ng ilang batch ng Spam Classic at Hormel Food Black label luncheon loaf na produkto ng United States-based company na Hormel Food Corporation.

Sinabi ng kumpanya na boluntaryo nilang ini-recall ang mga produkto dahil sa posibleng may taglay na maliliit na piraso ng metal ang mga naturang produkto na maaaring magdulot ng pinsala sa kalusugan.

Ito ang dahilan kaya’t mabilis na nag-isyu ng FDA ang Advisory No. 2018-193, upang balaan ang mga consumers hinggil sa mga naturang produkto.

Partikular na binawi ang mga Spam® Classic Luncheon Loaf na may “Best by” date na Pebrero 2021 at product codes na FO20882, FO20883, FO20884, FO20885, FO20886, FO20887, FO20888 at FO20889, gayundin ang Hormel Food Black-Label Luncheon Loaf, na may “Best by” date na Pebrero 2021 at may product codes na FO2098 at FO2108.

Ang mga naturang impormasyon ay makikita naman sa ilalim ng lata ng produkto, na ipinamahagi sa mainland United States of America (USA), at Guam, USA.

Anang FDA, bagamat ang mga naturang binawing produkto ay ipinamahagi sa mainland USA at Guam, USA lamang, ay dapat pa ring mag-ingat ang publiko laban sa mga naturang produkto na posibleng nakaabot pa rin sa lokal na merkado. Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na sakaling may mabili ng mga naturang produkto ay kaagad itong sirain o isauli sa tindahan kung saan ito nabili.

Show comments