MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ibubunyag pa rin ng tinaguriang pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa multi-billion-peso fraud kahit pa wala na ito sa Witness Protection Program (WPP).
Ang pahayag ay ginawa ni Guevarra kasunod ng pahayag ni Solicitor General Jose Calida na dapat na pakinggan ang mga sasabihin ni Napoles tungkol sa scam at kung sinu-sino ang mga sangkot na government officials.
Ipinaliwanag ni Guevarra na hindi naman mapipigilan ang pagsisiwalat ni Napoles kahit na tinanggal na ito sa WPP lalo pa’t inamin nito na wala namang banta sa kanyang buhay.
Una nang sinabi ni Calida na dapat pakinggan ang anumang nalalaman ni Napoles at pagkakasangkot ng mga government officials sa Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Si Napoles ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng maanomalyang paggamit ng P10 billion pondo ng mga mambabatas noong 2013.