Philhealth prexy pinasisibak

Ayon kay Teves, hindi napatino ni dela Serna ang PhilHealth nang pamunuan ito kundi lalo pang sumama ang serbisyo.

1 taon tumira sa hotel

MANILA, Philippines — Hiniling ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves kay Pangulong Duterte na sibakin na si PhilHealth President Celestina Ma. Jude dela Serna.

Ayon kay Teves, hindi napatino ni dela Serna ang PhilHealth nang pamunuan ito kundi lalo pang sumama ang serbisyo.

Nabatid na noong Miyerkules na huling araw ng sesyon ng kongreso ay nagpulong sina Teves, Speaker Pantaleon Alvarez at dela Serna.

Nagulat ang mga mambabatas nang diretsahang aminin sa kanila ni dela Serna na tumira siya sa hotel sa loob ng isang taon na gastos ng PhilHealth.

Base umano sa nakitang resibo ni Teves, isa sa tinirhan ng PhilHealth president ay ang Legend Villa na ang bayad ay P3,800 kada araw.

Subalit ang ikinairita ng kongresista ay ang diretsahang pagsabi ni dela Serna na wala namang mali sa kanyang ginawa.

Hindi naman masabi ni Teves kung magkano ang kabuuang ginastos ng PhilHealth sa pagtira ni dela Serna sa hotel sa loob ng isang taon.

Naghain na si Teves ng resolusyon para imbes­tigahan ang umano’y anomalya sa PhilHealth.

Matatandaan na si dela Serna ay sinita na ng Commission on Audit (COA) dahil sa mahigit P600,000 na gastos nito kapabalik-balik mula Tagbilaran at dito sa Metro Manila.

Show comments