MANILA, Philippines — Hindi pa naibabalik ng production company na Bitag Media Unlimited Inc. ang P60 milyong ibinayad ng Department of Tourism (DOT) para sa placement ad dito.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo–Puyat matapos matanong hinggil sa usapin sa kanyang naging kumpirmasyon kahapon.
Ayon kay Puyat, aalamin niya ang dahilan kung bakit hindi pa naibabalik ang nasabing halaga gayung sila mismo ang nagsabi na handa silang ibalik ito.
Binigyan diin ni Puyat na ayaw niyang magpabida sa mga isyung kinasasangkutan ng DOT kaya’t makabubuti na gawin ng mga sangkot ang kanilang dapat gawin.
Matatandaang ipinangako ng abogado ni dating Tourism Secretary Wanda Teo na si Atty. Ferdinand Topacio na napagpasiyahan aniya ng magkakapatid na Tulfo na ibalik na lamang ang P60 milyon ng DOT para sa ipinasok na commercial sa programang Kilos Pronto.
Magugunita ring nagbitiw sa puwesto si Teo dahil sa nasabing kontrobersiya.