MANILA, Philippines — Tulad ng mga empleyado sa private sector, nanawagan na rin ng taas sa sahod ang mga manggagawa ng gobyerno.
Ayon sa Confederation for Unity and Advancement of Government Employees (Courage), na napapanahon na ring maitaas ang sahod ng mga government workers dahil sila man ay apektado rin ng pagtaas ng mga bayarin tulad ng tubig at kuryente at mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain.
Mula P10,510 buwanang sahod ng mga kawani ng gobyerno na nasa salary grade 1, nais nilang itaas ito ng pamahalaan sa P16,000 per month para makapamuhay ng maayos.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) report, ang presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo ay tumaas ng 4.5 percent noong April 2018 na mas mataas sa January 2018 figures na 2-4 percent.
Ayon kay Ferdinand Gaite, pangulo ng Courage, ang lowest ranked government worker ay tumatanggap ng sahod na P477.20/day na mas mababa sa P512 /day ng isang manggagawa sa private sector sa Metro Manila.
“The situation of local government workers is even worse. An SG1 employee of the local government of Cuenca, Batangas (4th class municipality), for example, receives 358.29/day as compared to a private sector minimum wage earner who receives P317- 400/day as set by the regional wage board of Calabarzon,” dagdag ni Gaite.
Sabi pa ni Gaite, ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit sila nananawagan ng isang pambansang minimum wage na P16,000/month para sa mga government workers upang mabigyan naman ng pagkakataong maginhawahan sa buhay ang mga nagta-trabaho sa gobyerno.