MANILA, Philippines — Inihain na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagtatayo ng mga bagong gusali na walang sapat na parking space.
Sa Senate Bill 1821 na inihain ni Sen. Koko Pimentel, gusto nitong amyendahan ang Presidential Decree 1096 o ang “National Building Code of the Philippines.”
Nais ni Pimentel na ilagay sa nasabing batas ang pagkakaroon ng sapat na parking space o “parking arrangements” para sa occupants ng isang itatayong gusali.
“No building shall be constructed unless the building includes adequate parking space or parking arrangements for the occupants thereof, as determined by the secretary,” nakasaad sa panukala.
Sa explanatory note ng panukala, nakasaad na ang kakulangan ng parking space ay maituturing na maliit na problema na nakakaapekto lamang sa mga mayroong sasakyan.
Pero natukoy din umano na ang kawalan ng sapat na lugar para sa parking ay problemang nakakaapekto sa halos lahat ng Filipino sa Metro Manila, Davao, Baguio City at Cebu dahil nagiging dahilan ito ng trapik.
Inaasahan ni Pimentel na agad na maisasabatas ang panukala bilang solusyon sa tumitinding problema sa trapiko.