MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Malacañang na pinag-aaralan na ng gobyerno ang kahilingan ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod kasunod ng sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng langis at ng mga bilihin.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inatasan na ni Department of Labor Secretary Silvestre Bello III ang 17 regional tripartite wages and productivity board na magpulong na tungkol sa isyu kung dapat nang itaas ang minimum na sahod.
“Sinabi na ni Secretary Bello iyong mga regional wage boards magpulong na. Tingnan kung dapat itaas iyong mga minimum wage dahil alam natin mas mataas ang bilihin, kinakailangan mas mataas ang sahod,” pahayag ni Roque sa isang panayam sa radyo.
Ipinaliwanag pa ni Roque na hindi puwedeng ang national ang magdesisyon tungkol sa pagtataas ng sahod dahil nakasaad sa batas na dapat ito ay regional.
Sa gitna na rin ng pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng bagong tax law, nanawagan kahapon si Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao sa pamahalaan na itaas sa P750 ang national minimum wage ng mga manggagawa.
Isa sa pinakahuling kagyat na basihan ang pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) at deregulated oil industry. Naitalang pinakamataas ito sa Palawan, P70 gas per liter, habang sa Baguio, P66 at sa National Capital Region ay P62”, pahayag ng Kongresista.
Sinabi ni Casilao na dahilan sa pagtaas ng presyo ng gasolina at mga produktong petrolyo ay awtomatikong nagtaasan din ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa mambabatas, kailangang itaas ang suweldo upang matugunan ng mga empleyado ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya partikular na ng mga karaniwang manggagawa na nahihirapan sa epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Habang pinag-aaralan ng gobyerno ang hirit na dagdag sahod, iginiit ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel na dapat namang maging masipag o produktibo ang mga manggagawa.
Ayon kay Pimentel, bukas siya sa panawagan na dapat magkaroon na ng dagdag sa sahod dahil na rin sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Iko-consider natin yan. Pero sana naman ang ating mga kababayan maging produktibo rin tayo na manggagawa,” sabi ni Pimentel.
Walang kuwenta aniya ang increase sa suweldo na lahat kung hindi magiging produktibo ang mga manggagawa na magiging daan din sa pagtaas ng inflation rate o dagdag sa presyo ng mga bilihin.