MANILA, Philippines — Ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court ang pagdinig para sa hiling ng customs fixer na si Mark Taguba na makapagpiyansa sa kasong illegal drugs importation kaugnay ng naipuslit na P6.4-bilyon na shabu shipment noong nakalipas na taon.
Sa pagdinig sa Manila RTC Branch 46, nagpasya ang hukom, alinsunod sa manifestation ng prosekusyon at panig ng depensa na tapusin muna ang markings of evidence na bahagi ng pre-trial.
Ayon sa prosekusyon, ito ay para sa mas maayos na presentasyon ng ebidensya.
Nakadepende kasi sa tibay ng ebidensya ng prosekusyon kung papayagan ang hirit ni Taguba na pansamantalang makalaya.
Samantala, inatasan din ng hukom ang prosekusyon na magsumite ng komento sa hiling ng isa pang akusado na si Eirene Mae Tatad, consignee ng shabu shipment, na itakda na ng korte ang halaga ng piyansa bagamat wala pang desisyon sa kanyang petition for bail.