Puganteng drug lord tiklo sa Taiwan
MANILA, Philippines — Matapos ang mahigit 10 buwang pagtatago sa batas, nasakote si Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na kabilang sa mga nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte at umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa bansa matapos na maharang ng Taiwan Police sa kanilang bansa, ayon sa opisyal ng Philippine National Police kahapon.
Si Ardot ay nakababatang kapatid ng hinihinala ring narcopolitician na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “ Aldong” Parojinog Sr. na napatay sa anti-drug operation kasama ang 15 iba pa sa isang pagsalakay ng mga awtoridad sa kanilang tahanan sa Brgy. San Roque, Ozamiz City noong Hulyo 30 ng nakalipas na taon.
Kinumpirma ni PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao ang pagkakaaresto kay Ardot ng Taiwan Police sa kasong illegal entry dakong alas-6 ng gabi nitong Miyerkules.
Base sa inisyal na impormasyon, sinabi ni Bulalacao na si Councilor Parojinog ay nangtangkang pumasok sa Taiwan gamit ang mga illegal na dokumento sa immigration doon.
- Latest