Anak, 2 apo ni Digong nabakunahan din ng Dengvaxia
MANILA, Philippines — Nabakunahan din ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine ang bunsong anak ni Pangulong Duterte na si Veronica “Kitty” Duterte, ayon kay Special Assistant to the President Bong Go.
Bukod kay Kitty, nabigyan din ng naturang vaccine ang dalawang apo ng Pangulo sa anak nitong si dating Davao City vice mayor Paolo Duterte.
“May nagtanong kanina kung na-inject daw ba si Kitty at ‘yung dalawang anak ni Paolo, kinon-firm naman po ng mga nanay nila na positive po na-inject po sila,” pahayag ni Go sa 120th Philippine Navy anniversary sa Maynila.
Samantala, inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang P1.16-billion supplemental budget na Department of Health (DoH) para tulungan ang mga batang naturukan ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Ang nasabing halaga ay manggagaling sa partial refund ng mga ‘di nagamit na vials na ibinalik ng French pharmaceutical company at Dengvaxia manufacturer Sanofi Pasteur sa gobyerno sa pamamagitan ng local distributor na Zuellig Pharma.
Sa P1.16 billion budget, 81 percent o P945 million ang ibabahagi sa medical assistance program, o ang health assistance fund para sa Dengvaxia vaccinees, kabilang ang mga naospital at mga outpatients.
Ang 13 percent sa pondong ito ay ibabahagi sa public health management na may P148 million.
Sa pagtaya ng DOH nasa 40,000 nabakunahan ang magkakasakit at magiging in-patient habang 300,000 naman ang outpatient sa loob ng susunod na dalawang taon. (Butch Quejada/Gemma Garcia)
- Latest