MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Senate President Tito Sotto na puwede pa ring talakayin ng Senado ang impeachment ni ousted Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kung ipapadala ng Kamara ang articles of impeachment.
“We will not stop anyone from taking it to the floor para mapag-usapan,” sabi ni Sen. Sotto kaugnay sa resolusyon na nilagdaan ng 13 senador na nagsasabing Senado lamang ang may kapangyarihan na mag-alis sa Chief Justice sa pamamagitan ng impeachment.
Aminado rin ang bagong Senate president na nakagapos ang kanilang mga kamay para matalakay ito hanggang hindi naipapadala ng Kamara ang articles of impeachment.
“As far as the impeachment is concerned, our hands are tied. If there are no articles of impeachment that will reach Senate, there’s nothing we can do,” paliwanag ni Sotto.
Magugunita na napatalsik si Sereno sa botong 8-6 ng Korte Suprema sa pamamagitan ng inihaing quo warranto petition ng Office of the Solicitor General.
Sinabi rin ni Sotto, hindi siya kabilang sa 13 senador na lumagda sa resolusyon sa Mataas na Kapulungan.
“I do not want to interfere with the judiciary sapagkat ‘yan ang pinaka-ayoko sa lahat, kung mag-iinterfere ang judiciary sa amin,” dagdag ni Sotto.