MANILA, Philippines — Tinanggal kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tungkulin si Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark Tolentino, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Ipinaliwanag ni Roque na tinanggal ng Pangulo si Tolentino dahil nakiusap umano ito sa isang kamag-anak ni Pangulong Duterte para sa isang proyekto.
Magugunita na inakusahan ni Tolentino kamakailan ang ilang opisyal sa DOTr ang nagiging sanhi para mabalam ang Mindanao Railways project.
Inakusahan ni Tolentino ang ilang opisyal ng DOTr na nais kumuha ng foreign loan sa kabila na mayroong alokasyon na itong P36 bilyon sa ilalim ng 2018 budget.
Inakusahan naman ni Usec. Timothy Batan na ‘fake news’ ang mga sinasabi ni Tolentino na paninira sa DOtr.
Ang panukalang 2,000-kilometrong railway project sa Mindanao ay magkokonekta sa lungsod ng Davao, Zamboanga, Butuan, Surigao, Cagayan de Oro, Iligan at General Santos City.
Samantala, nagbigay rin ng babala ang Malacañang sa nagpapakilalang kamag-anak ng Pangulo na nagsisilbing ‘fixer’ sa judiciary.
Ang tinutukoy ni Roque ay ang asawa ni Lovelie Sangkola na ex-wife ni dating Davao City Vice-Mayor Paulo Duterte.
Wika pa ni Roque, nagpapakilala itong kamag-anak ni Pangulong Duterte gayung wala naman itong koneksyon sa Pangulo.