MANILA, Philippines — Mismong si Senator Panfilo “Ping” Lacson ang tumiyak na kahit kailan ay hindi nakialam ang Malacañang sa Senado lalo na sa magaganap na pagbabago sa liderato nito.
Ayon kay Lacson, base sa kanyang karanasan, hindi nakialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagkilos sa Senado.
“Ang experience ko dahil paminsan-minsan nagkakaroon din kami ng pakikisalamuha sa Malacañang kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ni minsan ‘di siya nakikialam sa ginagawa namin,” sabi ni Lacson.
Nakatakdang palitan sa puwesto ni Majority Floor Leader Vicente “Tito” Sotto III si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na nag-iisang miyembro ng PDP-Laban sa Senado at ka-partido ni Duterte.
Ayon pa kay Lacson, ang tanging nagawa lamang ng Pangulo na hindi maituturing na panghihimasok ay ang pakiusapan ang Department of Budget na pabilisan ang paglalabas ng pondo para sa mga legislative agenda.
“Minsan pinapakiusap niya ang DBM kung puwede mapadali. Hanggang doon lang kasi legislative agenda naman yan. Pero para makialam siya at manghimasok sa di official o di karapat-dapat na pakialaman, never pa ako nakarinig sa kanya ng ganoon,” sabi ni Lacson.
Kahit aniya sa pag-reject ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) sa mga miyembro ng Gabinete ay hindi nakialam si Duterte.
Samantala, naniniwala si Lacson na walang magiging epekto sa legislative agenda ang magiging pagpapalit sa liderato ng Senado.