Koko bababa na sa puwesto
MANILA, Philippines — Kulang sa angas si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III at hindi kayang maipagtanggol ang Senado bilang institusyon kaya mapapaaga ang pagpalit sa kanya ni Senate Majority Floor Leader Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, bagaman at wala siyang masasabi laban kay Pimentel lalo na sa integridad nito, pero pakiramdam umano ng kasamahan nila sa mayorya ay sumobra ang kabaitan nito na hindi kumibo ng tirahin ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Senado.
Aminado si Ejercito na maraming senador ang nasaktan ng atakihin ni Alvarez ang Senado at tinawag itong “mabagal na kapulungan.”
Handa naman si Pimentel na bumaba sa puwesto upang maging parehas ang laban sa iba pang kakandidatong senador sa susunod na taon.
Ayon kay Pimentel, ili-”let go” na niya ang Senate Presidency dahil magtatapos na rin naman ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2019 at maghahain siya ng kanyang certificate of candidacy sa darating na Oktubre.
“Para po wala tayong unfair advantage na Senate President tayo habang kampanya e i-let go na natin yan para patas-patas lahat,” sabi ni Pimentel.
Kamakalawa ay lumutang ang isang resolusyon na nilagdaan ng 14 senador na nananawagan sa agarang pagpapalit ng liderato ng Senado.
Pero nauna ng itinanggi ni Pimentel na alam niya ang nasabing resolusyon na nag-eendorso kay Sotto bilang susunod na Senate President.
“Whereas, by a majority vote of all the Senators, Senator Vicente C. Sotto III is hereby elected as the new Senate President to discharge the duties and powers granted to him by the Rules of the Senate,” nakasaad sa resolusyon na nilagdaan ng 14 senador at inaasahang ihahain sa Lunes.
Kabilang sa mga lumagda sina Senators Sonny Angara, Nancy Binay, JV Ejercito, Francis Escudero, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Gregorio Honasan II, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Ralph Recto, Joel Villanueva, Cynthia Villar, at Juan Miguel Zubiri.
Tikom naman ang bibig ng mga senador kung sino ang pasimuno sa nasabing resolusyon na naglalayong patalsikin na kaagad si Pimentel sa puwesto kahit ilang buwan pa bago ito maghain ng kanyang certificate of candidacy.
Ayon kay Ejercito, hindi na niya matandaan kung sinong staff ang nagpa-pirma sa kanya ng resolusyon.
Sinabi naman ni Sen. Nancy Binay na ipinadala lamang sa kanilang bahay ang kanyang nilagdaang resolusyon.
Inaasahan namang papalit kay Sotto bilang Majority Floor Leader si Sen. Juan Miguel Zubiri.
- Latest