Duterte sa 2 Asec.
MANILA, Philippines — Mag-resign o masibak!
Ito ang babala ni Pangulong Duterte sa dalawang assistant secretaries na nasasangkot ngayon sa alegasyon ng korupsiyon at pag-abuso sa kapangyarihan.
Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. na sinabihan na ng Pangulo sina Assistant Secretary Moslemen T. Macarambon, Sr. ng Department of Justice (DOJ) at Assistant Secretary Tingagun A. Umpa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magkusa na lamang umalis sa puwesto.
Ayon kay Roque, base sa imbestigasyon na isinagawa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) lumabas na regular na nakikialam umano si Macarambon para sa mga pinaghihinalaang smugglers ng ginto at iba pang mahahalagang alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa imbestigasyon naman na isinagawa ng DPWH, lumabas na umabuso umano sa kapangyarihan si Umpa at posible rin umanong sangkot sa katiwalian.
“DPWH has sworn statements where Asec. Umpa allegedly asked from contractors in the ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) area for certain percentages from projects awarded to these contractors,” pahayag ni Roque.
Idinagdag ni Roque na nasa kapasyahan na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng karampatang kaso sa mga nasabing opisyal.
“Gaya ng aking sinasabi po, ang mga kaso po ay katungkulan na ‘yan ng Ombudsman, bagamat meron pong imbestigasyon na ginawa ang Department of Justice at tsaka ang PACC na pupwede pong gamitin ng Ombudsman sa kanilang mga imbestigasyon,” sabi ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na nasa 400 reklamo na laban sa mga opisyal ng gobyerno ang iniimbestigahan ng PACC.
Samantala habang isinusulat ito ay kinumpirma ni DOJ Sec. Menardo Guevarra na nagbitiw na si Macarambon.