MANILA, Philippines – Matapos hindi bumoto nitong nakaraang Barangay Elections, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinili niyang huwag na lang itong gawin para maalis ang mga hinala ng kanyang mga kandidatong kaibigan kung binoto ba niya ang mga ito.
“Purely political. Lahat 'yung tumakbo kaibigan ko. Almost all were my supporters during the last election and they would never believe na nagboto ako o hindi sa kanila so tingin ko the better option is just skip the voting. Ayokong magduda sila,” sabi ni Duterte.
Ngunit sinabi ng pangulo na abala siya sa pagmo-monitor ng barangay at SK elections – ang una sa ilalim ng kanyang termino.
Ang polling precinct sa Daniel R. Aguinaldo High School sa Davao City kung saan naka-rehistro si Duterte ay nagsara nang 3pm nang hindi bumoto ang pangulo.
Ayon sa Commission on Elections, walang nilabag na kahit anong offense si Duterte sa hindi niya pagboto kahapon.
“Voting is not mandatory so it’s up to voters if they want to vote or not,” ani Comelec Commissioner Luie Tito Guia.
Gustong i-postpone ni Duterte ang barangay and SK elections sapagkat ayaw niya na manalo ang mga kandidatong sinusportahan ng mga drug lords.
Sinabi ng Department of Education na naging mapayapa ang kakatapos lang ng Barangay at SK elections.