Pagbaligtad ng SC sa quo warranto ruling malabo?
MANILA, Philippines — Malabo umanong baligtarin ng Supreme Court ang desisyon nito noong Biyernes na pumabor sa petisyon ng Solicitor General na patalsikin sa puwesto si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Ito ang nabatid sa dalawang impormante sa Mataas na Hukuman kaugnay ng plano ni Sereno na umapela at magsampa ng motion for reconsideration.
Sinabi ng mga impormante na hindi hayagang pinagbabawal sa desisyon ang pagsasampa ng apela pero mababasang ganito ang epekto ng desisyon.
Humiling ang impormante na itago ang kanilang pangalan dahil wala silang awtoridad na magsalita sa ngalan ng korte.
Binanggit ng impormante ang isang bahagi ng desisyon na nagsasaad na kagyat ang pagpapatupad nito nang hindi na kailangan ang ibayo pang hakbang ng Hukuman.
Ayon sa isa pang impormante, maaaring magsampa si Sereno ng motion for reconsideration pero tatanggihan lang ito o iisnabin ng Mataas na Hukuman.
Umaasa ang mga abogado ni Sereno na maaaring hingin nilang mabaligtad ang desisyon dahil sa closed voting na 8-6 ng mga mahistrado.
- Latest