MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng National Grid Corporation of the Philippines ang maayos na suplay ng enerhiya sa buong bansa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ngayong Lunes.
Sinabi ni NGCP North Luzon public affairs officer Lilibeth Gaydowen na Marso pa lang ay nakabuo na sila ng ‘contingency measures’ para maiwasan ang pagkaputol ng suplay ng enerhiya na may kinalaman sa transmisyon.
“Takdang pakilusin ng NGCP ang overall command center mula Mayo 11 hanggang 17 para tiyakin ang power transmission operations at facilities,” sabi pa ni Gaydowen.
Nakaantabay na umano ang lahat ng kanilang ‘line crews, engineers, pilots, maintenance, testing’ at iba pang ‘technical personnel’ sa mga NGCP substations upang mabilis na makaresponde sakaling may maganap na mga ‘line trippings’.
Inihayag din ng pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) na walang magaganap na brownout sa kanilang nasasakupan ngayong araw na ito ng Lunes habang ginaganap ang Barangay at Sangguniang Kabataan election sa buong bansa.
Ayon kay Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga, handang-handa na sila at maging ang kanilang mga maintenace crew para sa halalang isasagawa ngayong araw.