MANILA, Philippines — Tumaas ng mahigit P1 milyon ang net worth ni Pangulong Duterte batay sa isinumite nitong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa 2017.
Sa SALN ng Pangulo ay idineklara nitong total assets ay P29,340,321.07 milyon na mas mataas ng P1.111 milyon sa 2016 SALN nito na P28,428.862.44.
Kabilang sa mga ito ang house and lot sa Gallera de Oro, Bago Aplaya, Maa, Matina Crossing at Buhangin na pawang sa Davao City, gayundin ang kanyang 1978 Volvo sedan at 1996 Toyota Rav 4 bilang assets.
Ang cash on hand naman ay nagkakahalaga ng P19,365,321.07.
Limang properties naman ang nakapangalan sa kanyang anak na si Veronica na nasa Matina Crossing, Bgy. Malagos at Bgy. Catigas sa Davao City.
Ang tanging liability sa 2017 ng Pangulo ay nagkakahalaga ng P800,000 loan niya sa Davao businessman na si Samuel Uy.
Ang SALN ni Pangulong Duterte ay inilabas ng Office of the Ombudsman dahil sa kahilingan na rin ng media.