Pulpol na mga abogado ang panalo sa pagpapatalsik kay Sereno – Ping

MANILA, Philippines – Sa hatol ng Korte Suprema na mapatalsik sa pwesto ang punong mahistrado, hindi na magkakaroon pa ng impeachment trial sa Senado.

Dahil dito, sa tingin ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay nagdiriwang ang mga abogadong nanggigipit sa napatalsik na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

“Ang biggest ‘winners’ sa SC decision ay ang mga abogadong pulpol na handa sanang magkalat ng katangahan sa impeachment trial,” pahayag ni Lacson matapos ilabas ng mataas na hukuman ang kanilang hatol.

Sa botong 8-6 ay pinaboran ng Korte Suprema ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida laban kay Sereno.

Dahil wala nang bisa ang pagkakatalaga kay Sereno noong 2012 ay hindi na rin gugulong pa ang impeachment sa Kongreso.

“Hindi na mangyayari (impeachment) dahil malamang hindi na ipadala ng House ang Articles of Impeachment sa Senado,” dagdag ng senador.

Ang Senado at ang mga senador sana ang tatayong korte at hukom laban sa punong mahistrado tulad nang nangyari noong laban kay dating Chief Justice Renato Corona.

Show comments